(Di na to English mehn.)
Alaala
Alaala
Tandang tanda ko pa noong
tayo'y mga bata pa,
Tayo'y palaging magkasama
palaging masaya.
Sabi mo sa aking sarili,
May gatas pa sa labi!
Biro ko naman sa'yo,
Wala ngang gatas sa labi mo
lumalabas naman sa ilong mo!
Sa pagpasok sa eskuwela
naaalala mo 'ko sa umaga,
Sinusundo mo ako sa bahay
sa iyo naman sumasabay.
Minsan bigla ka na lang tumatawa,
Pilyo ka, may muta pala
ang aking mga mata.
Sa daan tayo ay nagkukuwentuhan,
habang tinatahak ang maalikabok
na landas
tungo sa ating paaralan.
Sabi mo sa akin noon, puwede man
gusto mong magkaroon ng kasintahan.
Sabi ko, Ulol, bata ka pa...
tuli ka na ba?
Hayskul tayo'y palagi pa ring magkasama.
Tinuring kitang kapatid, panahon sa atin
ay hindi nagsawa.
Matalik na magkaibigan,
walang iwanan, sambit mo.
Ewan ko, iba'ng nararamdaman ko.
Tuwing ako'y napapa-away sa skul
gusto mo 'kong tulungan upang
di magkaroon ng bukol.
Pansin ko, di ka naman
sumasali sa away,
sumisigaw ka lang, armas mo'y laway.
Hanggang ako'y nagkaroon
ng malubhang sakit,
Nagpapasalamat ako sa iyong
pagmamalasakit.
Sa ospital ako'y binibisita mo,
Tumatakas sa klase makita lang ako.
Ang sakit ko'y lumubha, lumala.
Nakita ko sa iyong mga mata
ang pagdaloy ng totoong luha,
tungo sa ngiting pilit nilikha.
Alam kong lumuha rin ang iyong puso
noong sinabi ko na mag-iiba na ang landas ko.
Simula noon hindi na kita nakita,
hindi na ako makakakita.
Ang landas ko'y iba na,
nabubuhay sa mundo ng alaala.
Hanggang ngayon, naaalala pa rin kita.
Ako, naaalala mo rin ba?
0 comments:
Post a Comment